Nakatutulong umano sa pagsugpo ng kriminalidad sa lungsod ng Mandaluyong ang ordinansa laban sa tandem-riding.

Sa ulat ng “Unang Hirit” nitong Biyernes ng umaga, sinabi ng Mandaluyong Police na malaki ang pagbaba ng bilang ng mga insidente ng krimen matapos ibinaba ang Ordinance 550 ng lungsod.

Nagpapatuloy umano ang mahigpit na pagpatutupad ng ordinansa dahil karamihan sa mga napabalitang krimen ay kagagawan ng mga magka-angkas na mga salarin –na kadalasan ay sangkot sa holdapan, robbery, at murder.

Sa ilalim ng ordinansa,  ipinagbabawal ang mag-angkas sa motorsiklo ng lalaking back-rider lalo’t kung hindi magkamag-anak.  Kadalasang mga lalaki raw kasi ang sangkot sa mga motorcycle crime incidents.

Maaari parin naman daw mag-angkas sa motorsiklo kung babae o bata ang sakay.

Para sa motorcycle driver at back-rider na lalabag sa ordinansa may kaukulang multang ipapataw:

  • Sa first violation, P1,000
  • Second violation P2,000
  • Third violation- fine of 3,000

Ayon naman kay National Capital Region Police Office chief Police Major General Guillermo Eleazar, nakatutulong ang tandem-riding ban sa pagbaba ng bilang ng mga kriminalidad sa Metro Manila.

“Steadily, we started our campaign against illegal drugs, tuloy-tuloy yung pagbaba niya. Bumaba ng 58% sa mga krimen na nangyari sa first three years ng kasalukuyang administrasyon," pahayag ni Eleazar.

Dagdag pa niya, bukod sa kasalukuyang ordinansa laban sa tandem-riding, pinag-aaralan pa nila ang ilang proposal na maaaring makatulong sa pagsugpo ng  krimen sa Metro Manila.

Sa ngayon, Mandaluyong pa lang ang ang may ganitong ordinansa. Habang nasa deliberasyon naman ang panukalang pag-ban sa tandem-riding sa lungsod ng Caloocan na kasalukuyang inaalmahan ng ilang motorcycle groups, dagdag ni Eleazar. —LBG, GMA News