Viral sa social media ang video ng isang delivery boy kung saan makikitang binabawasan niya ang mga dini-deliver niyang tinapay, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Sa video, makikita ang delivery boy na inaalis sa tray ang pack ng tinapay. Binuksan niya ito, binawasan ng laman, at muling inilagay sa tray. Paulit-ulit niya itong ginawa.

May mga netizen na nabahala dahil bukod sa nabawasan ang mga tinapay ay posibleng nadumihan din ang mga ito.

Naglabas naman ng pahayag sa Facebook ang Gardenia. Anito, ikinalulungkot nila ang insidente at iniimbestigahan na nila ito.

Prayoridad din daw ng Gardenia na siguruhin ang magandang kalidad ng kanilang produkto. —KBK, GMA News