Patay ang umano’y "Top 2" drug personality sa engkwentro laban sa mga pulis sa isang buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City. 

Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita na nangyari ang engkwentro sa Barangay Sta. Monica dakong alas-onse nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang napatay na suspek na si Criscamar Simos, alyas “Balong,” na umano’y bumunot ng baril at nagpaputok nang makahalata na pulis ang kaniyang katransaksyon sa droga.

Gumanti umano ng putok ang mga pulis at napatay si Balong.

Narekober mula kay Balong ang isang baril at mga sachet ng umano’y shabu.

Pahayag ng mga pulis, nagtutulak si  Barangay Balong sa Sta. Monica at Barangay Gulod at ang karaniwan umano niyang parkoyano ay mga tricycle driver.

Ayon sa mga taga-Sta. Monica, marami pa rin umanong nagtutulak at gumagamit ng shabu sa lugar.

Nagpapatuloy naman umano ang drug-clearing operation ng mga awtoridad. —LBG, GMA News