Mas maluwag at mas malinis na ngayon ang Dangwa Flower Center sa Maynila. 

Alinsunod sa direktiba ni Mayor Isko Moreno na linisin at paluwagin ang mga kalsada sa lungsod, may hangganan na lang ang mga nagtitinda ng bulaklak sa Dangwa. 

Bawal nang pumuwesto sa kalsada, at meron na ring mga itinakdang linya para sa mga vendor. 

"Sa ngayon, ma'm, one meter na lang po kami magmula diyan sa gutter... pero di ko po alam kung itong parating na Todos [Los Santos] bibigyan pa kami ng extension na one meter. So tignan na lang natin," ani Elma Yongco na may sariling puwesto ng bulaklak. 

'Yung iba naman gaya ni Mylene Aldama na walang sariling puwesto, pinapaalis na talaga sa tabi kalsada. 

"Ang ginagawa po namin, salit-salitan na lang po. May araw po. Halimbawa ako pauwi na po ngayon, may kapalit na po ako," ani Mylene. 

Ayon sa mga vendor, apektado raw talaga ang kanilang kita, at may mga araw na hindi sila makapagtinda. 

Iyong may mga puwesto naman, malaki raw ang ibinawas sa dami ng naititindang supply.

"Nabawasan talaga yung parating namin, ma'm. Dapat noon ang dami naming dating galing Cebu. Tag-sampung kahon araw-araw. Pero ngayon lima na lang kasi wala na kaming puwesto," sabi ni Elma

Pero nagpapasalamat pa rin naman daw sila dahil kahit paano ay pinapayagan pa rin silang magnegosyo. 

Samantala, inaasahan naman tataas pa ang presyo ng iba't ibang klase ng mga bulaklak kapag papalit na ang Undas. Sa ngayon, narito pa ang mga presyo. 

  • Radus - P80 per bundle
  • Malaysian Mums - P100 per bundle
  • Carnation - P160 per 10 pcs
  • Gerbera - P160 per 10 pcs
  • Stargazer - P120 per stem
  • Gimba - P120 per dozen
  • Roses - P400 per dozen
  • Orchids - P500 per 3 dozen
  • Sunflower - P100 per stem

—KBK, GMA News