Arestado ang dalawang Chinese nationals na nagtangka umanong manuhol ng higit P1.7 milyon sa isang opisyal ng pulis para raw mapalaya ang ilang lalaking Chinese na inaresto sa isang prostitution den sa Makati.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kapalit ang halaga ng kalayaan ng anim sa 19 na lalaking Chinese na inaresto sa isang prostitution den sa Makati City.

Kinilala ang dalawa na sina Zhang Xiuquiang at Fan Jianping na kapwa turista sa bansa.

Nakatikim naman ang dalawa ng sermon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Guillermo Eleazar.

"You were trying to bribe our police officers. Do you do that in your country?" tanong ni Eleazar sa dalawang dayuhang suspek.

Itinanggi naman ng isa sa mga suspek ang paratang at sinabing napadaan lang daw siya sa istasyon ng pulis sa Makati.

Kasama na ang dalawa ngayon ng 20 lalaking dayuhan na customer umano ng prostitution den na ikinulong sa Makati Police. —KBK, GMA News