Iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Miyerkoles na isara ang Isetann Mall sa Recto Avenue dahil sa pag-o-operate umano ng walang kaukulang business permit. Una rito, binalaan ng alkalde ang naturang establisimyento dahil sa pagpapahintulot umano sa kanilang mga tenant na nagbebenta ng mga second hand cellphone.

Ayon kay Moreno, natuklasan nila ang iba pang iregularidad sa naturang mall nang magsagawa sila ng imbestigasyon kaugnay sa mga ninanakaw na gadget na nadidiskbre sa ilang tindahan sa loob nito.

"You got our attention. Sinabihan kayo, napansin kayo. Pabibo kayo eh... Can you imagine, a simple problem. Lumabas tuloy ang mga kalansay sa baul," sabi ng alkalde.

"Simple compliance issue. Ito tuloy ang nangyari sa kanila," dagdag niya.

Ayon kay Moreno, kabilang sa kasalanan ng mall ay hindi pagdedeklara ng tamang impormasyon tungkol sa kanilang establisimyento.

"Sabi nila ang 1,000 square meters lang daw ang Isetann Recto shopping mall. Sampu lang daw ang empleyado nila," anang akalde. "In the same manner, they're not only shopping mall. They're also a lessor. ibig sabihin, nagpapaupa sila ng puwesto. 'Yung kanilang lessor business ay walang permit."

Dagdag ni Moreno, isa lang sa apat na sinehan nito ang may kaukulang permit.
"Nakakalungkot isipin na 'yung mga maliliit na nagpapaupa, nagbabayad ng buwis. Itong malalaking naturingang mall, hindi marunong magbayad ng buwis," puna ng alkalde.

"Hangga't hindi sila nagbabayad ng kaukulang buwis at business permit, hindi sila puwedeng magbukas, until they comply with all the requirements for the issuance of permit," deklara ni Moreno.

Una rito, iniutos ni Moreno na ipagbawal na ang pagtitinda ng second hand na gadgets sa Maynila para mawalan ng pagdadalhan ang mga kawatan na nang-aagaw, nandurukot at nagnanakaw ng mga gadget.

Nitong Martes, inihayag ng pamunuan ng Isetann mall ang buo nilang suporta sa kampanya ni Moreno laban sa pagbebenta ng second hand cellphone.

"We have written the City Government today that in keeping with the instructions of the Honorable City Mayor, the sale of second-hand phones will no longer be allowed here at the Isetann Cinerama effective immediately," ayon sa kanilang pahayag.—FRJ, GMA News