Lalaine Yuson, asawa ng pinaslang na vice mayor ng Batuan Masbate na si Charlie Yuson III, sa MPD Station 5. PHOTO BY VONNE AQUINO
Lalaine Yuson, asawa ng pinaslang na vice mayor ng Batuan Masbate na si Charlie Yuson III, sa MPD Station 5. PHOTO BY VONNE AQUINO

Apat na suspek sa pamamaril sa Vice Mayor ng Batuan Masbate, hindi iniharap sa pamilya ng biktima.

Emosyonal at galit na nagrereklamo ang asawa ng pinaslang na vice mayor ng Batuan Masbate na si Charlie Yuson III nang datnan ng GMA News sa MPD Station 5 sa Ermita, Maynila Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Lalaine Yuson, nais nilang makatiyak na ang mga totoong suspek sa pamamaril talaga ang nakakulong sa istasyon.

Kilala raw nila ang mga ito na mga taga Masbate rin na mga tauhan umano ni PCSO Board member Sandra Cam.

May hawak din daw silang testigo na makakapag kumpirma sa pagkakakilanlan ng mga bumaril sa bise alkalde.

Nangangamba naman ang kapatid ng biktima na chairman pa mismo ng barangay kung saan nangyari ang krimen na baka raw palitan ang mga tunay na suspek.

Matapos ang pakikipag usap nila sa Station commander, hindi pa rin sila pinayagan na makita ang mga suspek.

Ayon naman sa station commander ng MPD station 5 na si Police Lt. Col. Ariel Caramoan, under investigation pa ang kaso.

Hindi niya direktang sinagot kung bakit ayaw niyang iharap sa pamilya ang mga suspek.

Pero kinumpirma niyang ang apat na suspek ay nakakulong sa kanilang istasyon.

Matatandaang 8:50 ng umaga kahapon, pinagbabaril ang bise alkalde habang kumakain sa karinderya sa Sampaloc, Maynila.

Naisugod pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

Sugatan naman ang dalawa pang tinamaan din ng bala kabilang na ang isang kaanak ng bise alkalde.

Tumanggi ang mga tauhan sa MPD station 5 na pangalanan ang mga suspek. — BAP, GMA News