Matapos kumasa sa "commute" challenge at abutin ng mahigit tatlong oras sa biyahe papuntang Malacañang, naniniwala pa rin si presidential spokesperson Salvador Panelo na walang krisis sa mass transport system gaya ng paniwala ng iba.

“When you say mass transport crisis, you have to refer to there is a paralysis of the entire mass transit system,” sabi ni Panelo sa news conference matapos makarating sa Palasyo.

“But there is a traffic crisis definitely and there is also a crisis in the suffering of commuters as well as motorists. Walang kaduda-duda 'yan,” dagdag niya.

Ginawa ni Panelo ang biyahe sa pamamagitan ng ilang jeepney at isang motorsiklo mula sa Quezon City, patungong Marikina, at  pagkatapos ay sa Palasyo sa Maynila, bilang pagkasa sa hamon ng mga militanteng grupo na mag-commute siya.

Ang hamon ay ginawa ng mga militanteng grupo matapos kontrahin ni Panelo ang kanilang paniwala na may nararanasan nang krisis sa pampublikong transportasyon.

Bunga ito ng magkakasunod na pagkasara ng MRT-3, LRT1 at LRT-2 kamakailan, na dahilan para lalo pang naging mahirap ang pagsakay ng mga pasahero sa iba pang pampublikong sasakyan tulad ng bus at jeepney.

Hindi rin ikinatuwa ng ilang netizens ang payo ni Panelo na dapat umalis na lang nang maaga sa bahay para maaga ring makarating sa kanilang pupuntahan.

Paliwanag ni Panelo tungkol sa kaniyang payo, “That was a statement, in fact, praising the creativity of Filipinos, na marunong tayong humarap sa sitwasyon. Hindi lang tayo basta mura dito, mura doon, walang ginagawa. May ginagawa tayo para sa ating mga sarili.”

“That’s what all of us are doing unless you don’t wake up early,” sabi pa niya.

Inihayag din ng opisyal na nakakadagdag sa problema sa daloy ng trapiko ang sobrang dami ng mga sasakyan na nagsisiksikan na sa mga lansangan, mga pasaway na driver, at palpak na traffic management system.

Sadya raw iniwasan ni Panelo ang sumakay ng LRT na isa ring paraan ng kaniyang biyahe dahil hindi niya nais na makita siya ng mga mamamahayag.

Gayunman, naabangan pa rin siya ng media habang nakasakay sa jeep sa bahagi ng Cubao matapos kumalat na sa social media ang kaniyang paghihintay ng masasakyan.--FRJ, GMA News