Nasabat ang limang pakete ng hinihinalang shabu at isang SIM card na nakalagay sa adobong bulalo mula sa bisitang si Glenn Dayrit sa New Bilibid Prison, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Napag-alaman ding peke ang ipinakita niyang ID.

Ayon sa isang jail officer, napansin niyang may plastic sa dalang ulam ni dayrit kaya ininspeksyon niya ito.

Depensa naman ni Dayrit, napag-utusan lang siyang dalhin ang ulam sa presong si Ron dela Cruz. Wala raw siyang alam tungkol sa droga.

Iniimbestigahan na kung sino ang nag-utos umano kay Dayrit.

Apat na beses na raw nagdala ng ulam si Dayrit sa Bilibid pero inaalam pa kung dati na siyang may naipuslit na droga. —KBK, GMA News