Pinagbabaril ng hindi pa kilalang salarin ang isang lalaking nagtago ng pera ng kaibigan niyang napag-alamang nakaw pala, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang biktimang si Alyas Dodong na nabaril sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong pasado hatinggabi. Kakagaling lang niya ng barangay hall matapos masangkot sa pagnanakaw at makipag-areglo nang barilin.

Lumalabas na nagpatago kay Dodong ng pera ang kaibigan niyang si Marvin na nagkakahalaga ng P17,000. Pero nakaw pala ang pera sa kapitbahay ni Marvin, na kalauna'y narekober sa kanya ng mga baranggay.

Matapos ang pamamaril kay Dodong ay tumakas naman daw si Marvin. Ang mga may-ari naman ng ninakaw na pera, umalis din sa lugar sa takot na masangkot sa pamamaril.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung sino ang pumatay kay Dodong at bakit kailangan pa siyang iligpit. —KBK, GMA News