Arestado ang isang barangay kagawad sa Maynila na sangkot daw sa pagbebenta ng iligal na droga, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.

Sa videong kuha ng police asset, makikita ang paglabas ng isang lalaki mula sa isang bahay. Kinilala ng mga pulis ang lalaki na si Kagawad Marius Alquiros ng Brgy 438 Zone 44 sa Sampaloc.

Paglapit sa isang tindahan, kitang may inabot na maliit na piraso ng papel si Kagawad. Nakabalot pala riyan ang umano'y shabu na binili sa kanya ng police asset.

Tatlong beses nabilhan ng umano'y droga si Kagawad Alquiros bago siya naaresto. 

Aminado naman si kagawad sa krimen. Huling termino na raw sana niya ngayon bilang kagawad ng barangay. Humingi siya ng tawad kay Mayor Isko Moreno.

"Mayor, patawad po sa mga nagawa ko. Siguro ito po ang magiging leksiyon sa akin. Napakahirap po pala talagang mahuling ganyan. Patawarin niyo na po ako," ani Alquiros.

Si Alquiros ang ikalawang barangay kagawad na drug pusher umano na nahuli ng Sampaloc Police sa loob lang ng tatlong linggo.  —KBK, GMA News