Pitong drug suspek ang inaresto ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng Batasan Police sa Barangay Payatas A, Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Tatlo sa kanila ay mga tulak umano ng shabu.

Isa sa mga arestado ay ang umano'y police asset na si John Paul Casiano na nagtutulak umano ng droga.

Sa isang bahay sa Sto. Niño Street naaresto si Casiano pati na ang umiiskor umano sa kanya na si Noel Andrin.

 

 

Itinanggi naman ni Casiano na siya ay nagtutulak ng ilegal na droga at sinabing tinaniman lamang siya ng droga.

Ayon naman kay Andrin, naglalakad lamang siya nang makita niya si Casiano na nag-alok ng speaker niya.

Sa isa pang buy-bust operation sa Rosal Street, nahuli naman ang umano'y tulak na si Arnel Fortunato Jr. na nakuhanan pa ng sumpak.

Inaresto rin ang umiiskor umano sa kanya na si Rosalyn Serrano.

 

 

Nakuha sa kanila ang 12 sachet ng hinihinalang shabu.

Todo tanggi naman ang mga suspek na sa kanila ang mga nakuhang droga.

Umamin si Fortunato na gumagamit siya ng ilegal na droga pero hindi raw sa kanya ang narekober na hinihinalang shabu.

Samantala, sa Rose Street, ikinasa ang isang buy-bust operation laban sa target na si Ronan Apita.

Naaktuhang umiiskor sa kanya umano sina Rex Malinay at Joy Villarin.

Itinanggi nilang tatlo na sa kanila ang nakuhang anim na sachet ng umano'y shabu. —KG, GMA News