Iniutos ng Korte Suprema na umuupong Presidential Electoral Tribunal (PET), na ilabas ang ulat sa paunang vote recount sa tatlong lalawigan na kasama sa election protests ni dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. laban kay Vice President Leni Robredo.

Gayunman, wala pa rin inilalabas na desisyon ang mga mahistrado sa mismong protesta ni Marcos laban sa pagkapanalo ni Robredo.

"As for the decision [poll protest], there's none yet," sabi ni SC spokesman Brian Hosaka nitong Martes.

Sa pulong balitaan, tinukoy ni  Hosaka ang tatlong lalawigan na naging bahagi ng vote recount ay ang Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental.

Pinagkokomento rin ng PET ang magkabilang panig sa resulta ng naturang report at sa ibang "issues relating to the jurisdiction and other matters relating to the third cause of action" sa loob ng 20 araw.

Napag-alaman na hiniling din ng kampo ni Marcos na pawalang bisa ang resulta ng halalan sa vice presidential race noong 2016 sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao.

Hiniling umano ito ng kampo ni Marcos dahil sa mga naganap na pananakot, panggugulo, at dayaan ng mga boto sa tatlong nabanggit na lalawigan sa Mindanao.

Sumalungat umano sa naturang mosyon sina Associate Justices Antonio Carpio at Alfredo Benjamin Caguioa, habang wala naman si Associate Justice Jose Reyes, Jr. sa en banc session.

Nitong nakaraang linggo, naghain ng mosyon ang kampo ni Robredo na mabigyan sila ng kopya ng report sa resulta ng paunang recount, "if only to put to rest the speculations and in the greater interest of transparency."

Hindi naman masabi ni Hosaka kung ang naging direktiba ng PET ay alinsunod sa naturang mosyon ni Robredo.

Matatandaan na naghain ng protesta si Marcos sa pagkapanalo ni Robredo na kaniyang naging katunggali sa 2016 vice presidential race dahil umano sa dayaan. — FRJ, GMA News