Patay sa pakikipag-engkuwentro umano sa mga pulis ang apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo na nangholdap sa isang gasolinahan at convenience store sa Payatas Road sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes,  nakuhanan ng CCTV ng gas station at convenience store ang pagdating at pagdedeklara ng holdap ng mga suspek na armado ng baril.

Ayon sa mga kawani ng dalawang establisimyento, wala na silang nagawa nang tutukan sila ng baril ng mga suspek at tinangay ang kanilang kita at mga cellphone.

Pero isang taxi driver ang nakakita sa nangyayari sa gas station at kaagad itong humingi ng tulong sa mga pulis.

Nasabat ang mga suspek sa checkpoint ang mga pulis sa boundary ng Payatas at Montalban pero tinangka nilang umiwas at nagpaputok ng baril.

Dito na gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang apat, na positibong kinilala ng kanilang mga biktima na nangholdap sa kanila.

Bukod sa apat na baril, may nakita rin umanong pakete ng hinihinalang shabu sa mga napatay na suspek.--FRJ, GMA News