Itinaas ng kapitolyo ng Zamboanga Del Sur sa P2 milyon ang pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon sa grupong dumukot sa mag-asawang British at Pinay niyang misis sa Tukuran, Zamboanga Del Sur.

Sa panayam kay Jeesrel Himang, provincial information officer ng Zamboanga Del Sur, sinabi nitong nag-ambag-ambag ng pera ang mayor ng Pagadian City, gobernador ng Zamboanga Del Sur, at mga mayor ng mga bayan ng Tukuran, Dimataling, at Dinas para madagdagan ang isang milyong reward na nauna nang inalok ng kapitolyo.

“Ang provincial government ay ginawa lahat ng paraan at nagdagdag tayo ng additional bounty na umabot na ngayon ng P2 million ito ay sa pamamagitan ng pag-ambag-ambag ng mga mayor. Unang nag-ambag rito ay Mayor Sammy Co ng Pagadian City na P500,000, Mayor Ores ng Tukuran na nag-ambag ng P200,000 at saka Mayor ng Dimataling P100,000 at Mayor ng Dinas P100,000 din. P1.9 milyon so dinagdagan na lang ni Governor ng another P100,000 to make the amount P2 million,” ayon kay Himang.

Ang panibagong reward na P2 milyon ay inanunsyo ni Zamboanga Del Sur Governor Victor Yu kasabay ng isinagawang pulong sa peace and order ng provincial council noong Lunes.

Inutos rin daw ni Yu sa mga mayor, partikular sa bayan ng San Pablo, Dinas, Dimataling, Pitogo at Kumalarang na magsagawa ng profiling sa mga residenteng naninirahan sa coastal area para mas mapabilis ang pagliligtas sa mag-asawang biktima.

Ipagkakaloob aniya ang pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga suspek at mag-asawang biktima.

Sa mga coastal barangay sa mga nabanggit na bayan possible raw itinago ang mga biktima at posibleng dito rin daw nagtago ang mga suspek.

“Kahapon din, nag-utos ang ating butihing governor sa mga mayor na magsagawa ng profiling sa mga coastal municipalities to determine kung sino yung mga naninirahan dun specially sa mga dayo,bakwit o ano baa ng tawag dito na nakitira lang sa barangay," sabi ni Himang.

"Gumawa ng profiling.Tanungin kung saan nanggaling at anong sadya doon para ma-identify natin kung sino talaga yung naninirahan sa barangay," dagdag niya.

“Kasama na rito ang bayan ng San Pablo, Dimataling, Dinas, Pitogo, Tabina at saka Kumalarang. Ito yung mga coastal barangay na possible ngang pagtataguan ng mga abductors together with the victim.”

Pahayag ni Himang,hanggang sa mga oras na ito ay wala pa ring kumukontak mula sa mga dumukot at wala pa ring hinihinging ransom.

Hindi pa rin umano tukoy kung anong grupo ang nasa likod ng pagdukot.

Sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga biktima at mga suspek ay maari raw makipag-ugnayan sa pinakamalapit na estasyon ng pulis at maaring kontakin ang numerong ito 09098947989.

Nananatiling naka-hightened alert ngayon ang boung Zamboanga Del Sur.

Magugunitang dinukot ang mag-asawa habang nasa loob ng kanilang resort sa Barangay Alindahaw,bayan ng Tukuran sa Zamboanga Del Sur noong October 4, 2019. — MDM, GMA News