Naantala ang operasyon ng Metro Rail Transit System (MRT) 3 nitong Martes ng tanghali nang mahulog mula sa pader at bumagsak sa riles ang isang lalaking palaboy na hinihinalang wala sa tamang pag-iisip.

Sa panayam ng GMA News TV "Quick Response Team," sinabi ni  Engineer Michael Capati, director for operations ng MRT, na unang nakita ng mga guwardiya ang biktima na nasa itaas ng pader at kinalaunan ay tumalon sa riles sa pagitan ng Ayala at Buendia stations.

Tinangka raw ng mga tauhan ng MRT na payapain ang biktima pero sumasayaw-sayaw pa raw ito.

"Nung lumapit yung mga security natin, bigla siyang tumalon at nahulog siya doon sa tracks natin doon sa may southbound. Sa hindi inaasang pagkakataon, namatay yung taong grasa," idinagdag nito.

Hindi raw kaagad nagalaw ang katawan ng biktima dahil kailangan pa itong iproseso ng mga awtoridad na bahagi ng imbestigasyon. Naibalik daw sa normal ang operasyon ng MRT dakong 2:00 p.m.

Tiniyak naman ni Capati na gumagawa ang MRT 3 ng paraan upang maiwasan ang mga ganitong aksidente.

Ayon kay Capati, nagdagdag sila ng "foot patrol" at security personnel upang magbantay sa kahabaan ng riles ng tren kaya nakita agad ang biktima.

Ang mga ganitong insidente rin umano ang dahilan kaya sila naglalagay ng mga harang at wires sa paligid ng establisimyento.

Humingi rin si Capati ng tulong sa publiko na mag-report sa mga tauhan o opisyal ng tren kung maroon silang mapansin na taong nakapasok sa besinidad ng MRT.

"Lahat po yan, ng personnel natin, ay nag-undergo ng various training. Yung ating risk management ay kasama po yan," ani Capati.

(Paalala,  sensitibo at seryosong usapin ang mental health na hindi dapat balewalain.

Kung nakararanas o na may kakilalang dumaraan sa depresyon o emotional crisis,  may mga maaaring tawagan para makahingi ng tulong o makakausap.

Kabilang dito ang National Center for Mental Health Crisis hotline ng Department of Health (0917-899-8727 o 0917-989-8727). At gayundin sa Hopeline Philippines  (02-8804-4673 o 0917-558-4673).

Puwede ring mag-text sa 2919 na toll-free para sa Globe at TM.) -- Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News