Hiniling ni Speaker Alan Peter Cayetano sa mga kritiko ng pamahalaan dahil matinding trapiko sa Metro Manila na itigil na ang mga panawagang "commute" challenge. Aniya, indikasyon ng umuunlad na ekonomiya ang problema at nangyayari din sa ibang bansa.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Cayetano na nauunawaan niya ang mensaheng nais iparating ng mga panawagang "commute" challenge sa mga opisyal.

"The challengers or the people who made the challenges made their point. We hear you loud and clear. Now is the time to act and stop yung mga challenge-challenge," saad ng opisyal.

"Hindi naman [pwedeng] araw-araw, we just keep challenging each other sa traffic lang, because we also have to challenge each other sa agriculture, sa health, sa education. But ang point is yung mga plano nakalatag," dagdag niya.

Sabi pa ni Cayetano, nagiging problema rin ng ibang bansa ang mabigat na daloy ng trapiko na pinaniniwalaan niyang bunga ng umuunlad na ekonomiya.

"[Kapag] maganda ang ekonomiya, may pambili ng sasakyan ang mga tao, and then sa Pilipinas, about half ng lahat ng binibiling private na sasakyan ay sa Metro Manila napupunta," paliwanag niya.

"That's why nag-i-invest ang gobyerno sa subway system, sa bagong railway system, sa monorail, at tsaka sa BRT (bus rapid transit system)," ayon sa kongresista.

Sinabi pa ni Cayetano na kahit noong panahon ng kampanya sa 2016 elections,  inihayag na ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahirap hanapan ng solusyon ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Ito umano ang dahilan kaya isinulong ni Duterte ang federal form of government upang mapalakas ang mga lalawigan at nang mapaluwag ang Metro Manila.

Sa joint report Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA) nitong Miyerkules, sinabing umabot sa 31,820 units ng mga sasakyan ang naibenta nitong Setyembre, mas mataas ng 7.5% mula sa 29,599 units na naibenta noong Agosto.

Ang benta ng mga sasakyan nitong Setyembre ay mas mataas ng 2.3% kumpara sa 31,116 units na naibente sa kaparehong buwan noong 2018. --FRJ, GMA News