Patay ang isang retiradong pulis matapos siyang pagbabarilin ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa Makati. Ang mga salarin, inilusot lang sa bintana ang baril nang puntiryahin ang biktimang nasa loob ng bahay.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha ng CCTV nang dumating ang apat na salarin sakay ng dalawang motorsiklo sa Barangay Cembo sa Makati.

Tumigil ang mga ito sa tapat ng bahay ng retiradong patrolman na si Ricardo Sibayan Sr., 50-anyos, at bumaba ang dalawang lalaking nakaangkas na armado ng baril.

Mula sa bintana, pinagbabaril na nila ang biktimang nasa loob ng bahay at kaagad nasawi matapos  na tamaan umano ng bala sa ulo.

Kaagad na tumakas ang mga salarin na nakasuot ng helmet.

Ayon sa Makati Police, nagretiro nitong nakaraang taon ang biktima na huli raw nadestino sa Maguindanao.

"Itinapon siya for unknown reason kasi 'yon ang sinabi ng kaniyang maybahay,"  sabi ni Police Colonel Rogelio Simon,  hepe ng PNP-Makati.

"Noong siya'y nasa active service, mayroong validated reports na siya ay may mga illegal activities. Kasama dito yung pagdating sa droga naging imbestigador siya at na-assign sa anti-drugs unit ng Quezon City Police District.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima, habang patuloy na naghahanap ng saksi ang mga pulis para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA News