Inilipat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersyal na police official na si Lieutenant Colonel Jovie Espenido sa Bacolod City upang lutasin ang umano'y malalang problema sa iligal na droga sa lungsod, ayon sa ulat ng Dobol B sa News TV nitong Biyernes ng umaga.

Ipinahayag ng Pangulo noong Huwebes na si Espenido ay ginawang deputy director for operations ng Bacolod City Police office, at siya ay na-promote bilang lieutenant colonel.

Pahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Maynila, “Bacolod is badly hit now.  And I placed Espenido there, ‘yung kinatakutan nila na pulis. Sabi ko, ‘Go there and you are free to kill everybody.’ T— ina.  Start killing them.’ Dalawa na tayo magpapreso.”

Matatandaang si Espenido ay ang police chief ng Albuera, Leyte nang mapatay sa isang police search operation sa loob ng kulungan si Mayor Rolando Espinosa Sr. noong 2016. Ang alkalde ay pinaghihinalaang kilabot na drug lord sa Eastern at Central Visayas.

Nang ilipat si Epenido sa Ozamiz City nang sumunod na taon (2017) napatay naman sa sunod-sunod na drug raids si Mayor Reynaldo Parojinog at 15 iba pa. —GMA News