Naniniwala si Senador Richard Gordon na puwedeng kasuhan ng kasong katiwalain ang dating hepe ng Philippine National Police na si Police General Oscar Albayalde, dahil sa umano'y mga iregularidad na nangyari sa illegal drug operation na isinagawa ng mga tauhan nito sa Pampanga noong 2013.

"He is liable for anti-graft and that would be up to Ombudsman or DOJ (Department of Justice)… by reason of his seniority, his moral superiority, his competence," sabi ni Gordon sa mga mamamahayag nitong Biyernes nang ipresinta ang draft report ng blue ribbon and justice committees na pinamumunuan niya.

Ang naturang komite ang nagsagawa ng imbestigasyon sa naturang drug raid kung saan pinuno pa lang ng kapulisan sa Pampanga si Albayalde.

Naniniwala si Gordon na may pananagutan si Albayalde sa mga ginawa ng kaniyang mga tauhan na nagsagawa ng raid. Inaakusahan ang mga pulis na hindi idineklara ang lahat ng 200 kilo ng droga na umano'y nakumpiska sa raid; nagpalit umano ng nadakip na suspek; pinalaya umano ang naarestong drug lord kapalit ng suhol at iba pa.

"Hindi naman siya [Albayalde] aabot ng general kung wala siyang alam," sabi ni Gordon. "I think he is very liable."

Maaari umano kasuhan si Albayalde ng paglabag sa Section 3 (a) ng Republic Act or the Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa pagtawag niya kay Philippine Drug Enforcement Agency director general Aaron Aquino, na noo'y Region 3 police director, at kay dating Criminal Investigation and Detection Group deputy chief Rudy Lacadin, kaugnay sa magiging parusa sa kaniyang mga tauhan nang imbestigahan kaugnay sa naturang kontrobersiyal na operasyon.

Sabi ni Gordon, tinangka raw ni Albayalde, pinuno noon ng Pampanga Police Provincial Office, na may pakialaman ang aksyon ng dalawang nabanggit na opisyal, “constituting a violation of rules and regulations.”

Hindi rin umano inalam ni  Albayalde ang detalye ng ginawa ng kaniyang mga tauhan.

"He believed solely on [Police Major Rodney] Baloyo IV’s report alone," sabi ng senador.

Bukod kay Baloyo, ang iba pang kasama umano sa kontrobersiyal na anti-drug operation na pawang miyembro ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force of the Pampanga Provincial Police Office ay sina:

•    Senior Inspector Joven de Guzman Jr.;
•    Senior Police Officer 1 Jules Maniago;
•    Senior Police Officer 1 Donald Roque;
•    Senior Police Officer 1 Ronald Santos;
•    Senior Police Officer 1 Rommel Vital;
•    Senor Police Officer 1 Alcindor Tinio;
•    Senior Police Officer 1 Eligio Valeroso;
•    Police Officer 3 Dindo Dizon;
•    Police Officer 3 Gilbert De Vera;
•    Police Officer 3 Romeo Guerrero Jr.;
•    Police Officer 3 Dante Dizon; at
•    Police Officer 2 Anthony Lacsamana

Bagaman sinasabing 200 kilo ang nakitang shabu sa sinalakay na bahay, 36 na kilo lang umano ang idineklara ng mga pulis, batay sa isinagawang imbestigasyon ng CIDG.

Isinagawa umano ng noo'y CIDG chief at ngayo'y Baguio City Mayor na si Benjamin Magalong, ang pagsisiyasat sa mga nabanggit na pulis, batay sa utos ng PNP chief noon na si Allan Purisima, dahil sa natanggap na impormasyon na nagbibilihan ng mamahaling sasakyan ang mga naturang pulis.

Dati nang itinanggi ni Albayalde ang mga paratang laban sa kaniya.

Kamakailan lang ay nagbitiw na sa kaniyang puwesto si Albayalde bilang pinuno ng PNP, at naghihintay na lang sa araw ng kaniyang pagreretiro sa Nobyembre.--FRJ, GMA News