Sa pukpukan ng martilyo humantong ang iringan ng dalawang babaeng magkapitbahay sa Valenzuela City. Ang ugat daw ng pag-aawat ng dalawa—tsismis.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing nagtamo ng sugat sa noo ang biktimang si Rosalinda Acsota matapos siyang paluin ng martilyo ng kapitbahay na si Sarah Hasan sa Barangay General T. De Leon.

Ayon kay Acosta, napadaan siya sa tapat ng inuupahang bahay ni Hasan nang bigla umano siyang sabunutan, hatawin ng martilyo at tadyakan.

Naawat naman ng mga kapitbahay ang suspek at  dinala agad sa ospital ang biktima dahil sa tinamong palo ng martilyo sa ulo.

Dahil sa ginawa sa biktima, inaresto si Hasan at ipinaliwanag na nagdilim lang ang kaniyang paningin kaya napalo ng martilyo si Acosta.

Ayon sa Valenzuela police, matindi ang galit ng suspek sa biktima at naniniwalang sila na planado ang ginawa ni Hasan kaya nila ito sinampahan ng reklamong attempted murder.

Matagal na rin daw na may alitan ang dalawa at hindi ito ang unang pagkakataong nagkapisikalan sila.

Sinabi ng barangay na tungkol sa tsismis ang ugat ng pag-aaway ng dalawa.--FRJ, GMA News