Nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng isang parking marshal at isang doktorang kaniyang sinita dahil sa pag-park ng kotse nito sa bangketa sa Marikina City.
Depensa ng doktora, may dinaluhan lamang siya na pasyente.
Ayon sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nasita ang doktora matapos niyang pumarada sa ibabaw ng bangketa sa tapat ng pinagsisilbihan niyang ospital.
"Buti kung ang ginawa ko para sa pangsarili ko! Nag-attend ako sa patient! You're also an officer! Sana kung reasonable, pwede naman tsaka first offense ko," paliwanag ng doktora.
Giit naman ng enforder, dapat ay ipinarada na lamang ng doktora ang kaniyang sasakyan sa paradahan dahil maaari pa ring maaksidente ang mga tao kung sa kalsada sila maglalakad.
"Oo nga, nakikiusap nga ako sir. Sobra naman po, para ba akong pumatay ng tao! Pasyente po ang in-attend-an ko," depensa pa ng doktora.
Binigyan ang doktora ng P150 pesos na penalty, na pinakamababang violation sa pag-disregard ng traffic sign, pero ayaw pa rin niyang magpa-ticket.
Sa huli, hindi nagpatinag ang enforcer kaya natiketan pa rin ang doktora.
"Hindi dahil abogado ka o duktora ka o may posisyon ka sa pamahalaan, wala. Ang aming parking marshal will consistently and fairly ipatutupad ang aming mga ordinansa o panuntunan sapagkat meron kang ginawang mali," sabi ni Marikina Mayor Marcy Teodoro.
Isa sa mga may magandang reputasyon sa disiplina ang Marikina City, na naghihigpit sa batas sa kalsada.
Ngunit hindi pa rin nauubos ang mga pasaway kaya nagtalaga ang siyudad ng mga parking marshals na sumisita sa mga ito kahit pa-isa isa.
"'Yung public order is a matter of social reengineering. Kailangan maituro natin sa tao ang tamang paggamit ng bangketa, tamang paggamit ng kalsada," ayon pa kay Teodoro.
Kakaiba ang Marikina dahil ang trabaho ng kanilang parking marshals ay mag-ikot nang mag-ikot para manita.
"Karamihan ng nahuhuli namin dito mga hindi po taga-Marikina. Kasi karamihan po mga taga-Marikina may disiplina po 'yan," saad ni Traffic Enforcer 1 Abelardo Beltran.
"'Yung pagpapatupad ay tuloy-tuloy, consistent. 'Yun ang idea ng parking martial," ayon pa kay Teodoro.
Isa rin ang siyudad ng Marikina sa nakakuha ng high compliance grade sa DILG dahil sa maayos nilang mga kalsada at bangketa. —Jamil Santos/NB, GMA News
