Handang sumama si Vice President Leni Robredo sa operasyon kontra-droga na isasagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos siyang hikayatin ng pinuno ng ahensiya na si Aaron Aquino.

Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni Aquino na naging maayos ang pagpupulong ng Inter-agency Council on Anti-Illegal Drugs na kapwa co-chair sila ni Robredo.

"Okay iyong meeting namin today. In our coming meetings, I hope mas maraming matutunan si Vice President on law enforcement," sabi ng pinuno ng PDEA.

"Kaya ma'am, I would ask you to join one of our operations. I will be there, together with you,”dagdag ng opisyal.

Nais daw niyang makita ni Robredo ang ginagawang operasyon ng PDEA."Para ma-feel po ninyo kung paano po ang ginagawa ng ating law enforcement agents.

Challenge ko po sa inyo, para kung meron kaming lapses, defects, makikita niyo,” patuloy ni Aquino.

“Para po makita niyo ang actual operation, hindi lang po sa dahil sinabi ni ganito o ganyan,” sabi pa niya.

Tinanggap naman ni Robredo ang mungkahi ni Aquino.

“Gustong-gusto ko iyan,” tugon ng pangalawang pangulo.

Hindi na rin umano dapat pag-usapan pa ang nabanggit noon ni Aquino tungkol sa kaniya na kulang ang kaniyang kakayanan na pamunuan ang ICAD.

“I assured Director General Aquino not to worry about that... Huwag na pag-usapan iyong mga nasabi before moving forward," sabi ni Robredo.

"We want to improve the policy, and I was clear that I don’t like that the anti-drug campaign is victimizing the poor,” dagdag niya.

Unang pagkakataon na nagkita at nagkausap sina Robredo at Aquino mula nang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte na anti-drug czar ang pangalawang pangulo.

“It is the first time I saw her. I never had the chance to talk to her before, so definitely I felt awkward kanina. Pero ngayon, medyo at home na ako sa kanya,” nakangiting sabi ni Aquino. —FRJ, GMA News