Isang senior citizen ang nasugatan nang masunog ang anim na tindahan ng surplus appliances sa Port Area sa Maynila nitong Sabado ng madaling araw.

Nalapnos raw ang balat ng isang lalaking 78-anyos na natutulog umano noon sa loob ng isang tindahan nang sumiklab ang sunog pasado alas tres ng madaling araw.

Umabot sa unang alarma ang sunog bago ito naapula bandang 3:44 a.m.

Sunog ang mga refrigerator, aircon, washing machine, mga helmet at pati na ang nakaparadang kotse sa tapat ng mga tindahan.

 

 

Ayon sa Manila Fire District, nagsimula ang apoy sa puwesto ni Johnny Go na may tindang refrigerator at aircon.

Yari sa light materials ang mga puwesto kaya gumapang agad ang apoy sa ibang tindahan.

Napatulala na lang nang matupok ang mga paninda niyang sewing machine si Jojo Acosta.

Si Juvinel naman, nabuhat ang mga refrigerator palabas ng tindahan sa pagmamadaling maisalba mula sa apoy.

Ayon kay Fire Inspector John Joseph Jaligue, chief investigator ng Manila Fire District, nasa P100,000 ang tinatayang pinsala ng apoy.

Pero sabi ng mga nasunugan, lagpas P1 million ang halaga ng mga natupok nilang paninda.

Inaalam pa ng mga bumbero kung ano ang sanhi ng apoy.

Pero sabi ng barangay tanod na nakakakita raw ng paglaki ng apoy, may nakita siyang pagksilab ng kuryente sa nasunog na tindahan. —KG, GMA News