Isang 12-anyos na bata ang kinagat ng isang buwaya sa Balabac, Palawan, sa pinakabagong kaso ng crocodile attack sa nasabing bayan.

Kinagat si Haina Lisa Habi sa kanyang kanang binti, sabi ng Philippine National Police Maritime Group sa ulat ni Pia Arcangel sa GMA News' 24 Oras Weekend nitong Sabado.

Kuwento ng biktima, tumatawid lamang sila ng kaniyang kuya sa isang tulay na gawa sa puno ng niyog ng biglang sumulpot at umatake ang buwaya.

Idinagdag pa ng bata na sinubukan raw siyang hilain ng buwaya papunta sa tubig ngunit siya ay nahatak pabalik ng kanyang kapatid.

Ang pag-atake na ito ay ang pang-anim na beses nang mayroong nabiktima ng buwaya sa Balabac ngayong taon.

Sa anim na mga na-biktima, apat na ang nasawi. —Joahna Lei Casilao/MDM, GMA News