Kinasuhan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 21 na sangkot sa umano'y game fixing at game shaving sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL). Tatlo sa mga kinasuhan ay mga Chinese, at manlalaro naman ang iba.

Ayon sa ulat ni Ian Cruz sa "24 Oras," galit na nagsalita sa press conference si Senador Manny Pacquiao nitong Lunes nang mabunyag ang umano'y game fixing at game shaving sa kaniyang itinatag na liga.

"Kung papasukin niyo tong game fixing na 'to, game shaving, niloloko niyo ang taong bayan. Hindi ito puwede sa MPBL. Kung ginagawa niyo 'yan sa ibang liga, 'wag dito sa MPBL," sabi ni Pacquiao.

Ayon sa ulat, tatlong Chinese nationals at 11 manlalaro mula sa SOCCSKSARGEN Marlins ang kasama sa reklamo.

Ang mga Chinese national daw ang gumagawa ng contact sa mga casino para sa malakihang pusta sa magiging resulta ng laban. Nasa 20,000 hanggang 50,000 ang bayad kada inihuhulog na laban.

"Mga planner sila, sila gumagawa because ang betting nito ay binabasa nila sa isang betting station. Kokontrolin nila 'yong score ng game, sila magdidikta sa players kung ano lang dapat score per quarter so sa bawat qaurter, may pusta 'yan bukod pa sa total scores ng game," sabi ni Atty. Brando Viernesto, legal counsel ng MPBL.

Base sa kasong inihain ng MPBL, nangyari raw ang game fixing sa pagitan ng Hunyo at Oktubre sa iba't ibang lugar.

"Panalo na eh malaki na 'yong lamang noong kalaban and yet they keep on fouling, they get technicals from the refs so sila mismo ang nagpu-push noon so very doubtful 'yong mga actions na 'yon," sabi ni MPBL commissioner Kenneth Duremdes.

Ayon kay Pacquiao, may mga iniimbestigahan pa raw sila ukol sa iligal na gawaing ito. —Ma. Angelica Garcia/NB/FRJ, GMA News