Pagnanakaw ang nakikitang motibo ng mga pulis sa pagpatay sa lalaking natagpuang tadtad ng saksak sa loob ng isang motel sa Maynila nitong Lunes, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sa kuha ng CCTV, makikitang isang lalaki ang kasama ng biktima na nag-check-in.

Dalawang araw na raw nawawala ang biktima bago nakita ang kanyang katawan, ayon sa kaniyang ina.

Sasampa na raw sana ng barko si Darell bilang seaman pero hindi na nito matutuloy ang kanyang pangarap

Pasado 11 p.m. nitong Linggo nang makunan si Darell at isa pang lalaki na sakay ng motorsiklo sa loob ng compound ng motel. Kapwa sila naka-helmet at sabi ng room boy ay naka-helmet din silang pumasok sa kwarto.

Batay sa resibo, 11:17 p.m. nag check in ang biktima at suspek para sa dalawang oras na pamamalagi sa kwarto. Pasado 1 a.m. daw nang mag-isang lumabas ang suspek sakay ng motorsiklo. Wala itong suot na helmet pero naka face-mask.

Sinubukan pa siyang harangin ng guwardya pero dumerederetso lang ito palabas.

Kuwento ng nanay ng biktima, nagpaalam sa kanya ang anak na lalabas saglit para makipag kita sa kaibigan pero wala na siyang text na natanggap mula sa anak. Hindi rin daw nagkita si Darell at ang kaibigang sinabing pupuntahan nito.

Bukod sa motorsiklo, may dala rin daw na bag si Darell na may cellphone at wallet na may lamang ATM card, P3,000 cash at $100.

Pero sabi ng pulisya, wala na ang lahat ng ito nang datnan nila ang crime scene kaya pagnanakaw ang isa sa mga lumulutang na motibo sa krimen.

Inaalam naman ng pulisya kung may pananagutan sa seguridad ang motel na wala pang pahayag sa ngayon. —KBK, GMA News