Tukoy na ang pagkakakilanlan ng lalaking natagpuang patay sa isang motel sa Sta. Mesa, Maynila kamakailan.

Ayon sa ulat sa “QRT”, kinilala ng kanyang ina ang biktima na si Darell Miana.

Dalawang araw na niyang hinahanap si Miana.

Nagpaalam daw kasi ang biktima noong gabi ng Linggo na makikipagkita sa kaibigan, pero hindi na nakauwi.

Nalaman din daw ng kanyang ina na hindi nagkita si Darell at ang kanyang kaibigan.

Sa kuha ng CCTV, pasado alas-11 ng gabi ng Linggo, nag-check-in si Miana sa motel kasama ang isang lalaki.

Matapos ang dalawang oras, mag-isang umalis ang lalaki sakay ng motorsiklo.

Bandang ala-1 ng madaling araw ng Lunes, natagpuan si Miana na nakabalot ng puting kumot at tadtad ng saksak.

Sabi pa ng kanyang pamilya, nang umalis si Miana ay may dala siyang bag na may cellphone at pitakang may lamang ATM card at mga cash na P3,000 at $100.

Nawawala ang mga iyan nang matagpuan ang bangkay kaya posible raw na pagnanakaw ang motibo sa krimen.

Tinutugis pa rin ang salarin.

Inaalam din ng pulisya kung may pananagutan ang motel na wala pang pahayag sa ngayon. —NB, GMA News