Isang grupo ng Japanese nationals ang naaresto sa Makati City matapos umanong magpanggap na pulis para makapangikil, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Biyernes.

Mga Hapon din daw ang binibiktima ng grupo, na naaresto ng mga ahente ng Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration sa isang hotel sa Makati City.

Lahat ng mga naaresto, pawang mga turista base sa kanilang mga passport at positibong kinilala na mga puganteng hinahanap ng mga otoridad.

Di tulad ng ibang dayuhang sindikato na call center, imbes na computer, cellphone ang gamit ng mga naarestong Hapon. Sa kanilang lamesa, may kopya ng listahan ng kanilang mga biktima at telepono sa Japan.

Meron din silang "script" na ginagamit sa pagpapanggap na Japanese Police para makapag-extort. Tatakutin daw ang mga ito sasampahan ng kung ano-anong kaso ang kanilang biktima kung hindi makikipag-areglo.

Ineksamen ng mga otoridad ang kanilang mga gadgets habang kinausap naman ng Japanese Police ang ilan sa mga inaresto para makuha ang iba pang detalye ng kanilang operasyon.

Sakaling wala silang ibang kaso sa Pilipinas, agad silang ipapa-deport pabalik ng Japan para harapin ang kanilang kaso. —KBK, GMA News