Nabalot ng tensyon ang ginawang pagsagip sa isang tindera matapos siyang i-hostage at tutukan ng kutsilyo ng isang regular na customer sa Novaliches, Quezon City. Ang arestadong suspek, nag-iinom at gumamit ng droga umano matapos iwan ng kinakasama.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Marlon Kilkig, na nakitang pumasok sa Barangay Bagbag pasado 8 a.m.

Dito niya hinostage ang tindera ng sari-sari store na si Jochelle Respondo.

Makikita sa isang cellphone video ang pagtutok ni Kilkig ng kutsilyo sa leeg ni Respondo.

Umabot ng halos isang oras ang negosasyon na nakatutok lang sa leeg ng biktima ang kutsilyong hawak ng suspek.

Sinadya ng mga nakaunipormeng pulis na hindi muna magpakita para hindi mag-amok pa ang suspek.

Maya-maya pa, kinausap si Kilkig ng kaniyang mga kapatid at opisyal ng barangay.

Habang kinakausap si Kilkig ng kapatid pasado 9 a.m., sinunggaban na ng tanod ang kaniyang kamay para madisarmahan siya.

Sunod namang sumugod ang pulisya sa suspek, na nagpupumiglas habang pinoposasan.

Inaakay si Kilkig papuntang istasyon ng pulis ng 9:35 ng umaga.

"Best option na i-subdue na agad kasi 'pag tumagal nang tumagal baka iba pa maisip niya, baka tuluyan niya 'yung biktima. Kaya nu'ng may opportunity na i-grab 'yung kamay niya, pina-grab na natin," sabi ni Lieutenant Colonel Rossel Cejas, Station Commander, Novaliches Police Station 4.

Wala pang linaw kung ano ang nag-udyok kay Kilkig na mang-hostage sa tindahan kung saan isa siyang regular na customer.

"Sabi niya kanina while ongoing ang negotiation, iniwan siya ng kaniyang kinakasama at nag-inom siya kagabi at allegedly meron siyang admission na gumamit siya ng droga," ayon pa kay Cejas.

Mahaharap sa kasong attempted homicide ang suspek. — Jamil Santos/DVM, GMA News