Personal na nagtungo si Manila Mayor Isko Moreno sa Manila Police District Station 3 nitong Linggo para kausapin ang driver na nangaladkad at nanuntok ng isang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) enforcer na sumita sa kanya sa Maynila nitong Sabado.

Sinermonan ni Mayor ang suspek na si Orlando Ricardo Dizon Jr. sa ginawa nito sa enforcer na si Mc Adrian Lim na aniya’y naghahanap-buhay lang.

Base aniya sa kaniyang napanood na CCTV footage ay talagang nais daw saktan ni Dizon si Lim dahil sa ginawa nitong pagwasiwas sa sasakyan.

Hindi raw siya kumbinsido sa katwiran ni Dizon na nataranta lang ito sa pangyayari dahil sa layo ng distansyang tinakbo ng sasakyan nito.

 

Pinuntahan ni Mayor Isko Moreno nitong Linggo, Nobyembre 17, 2019, si Orlando Ricardo Dizon Jr (left) na nakadetine sa Manila Police District Station 3 matapos kaladkarin at suntukin ang traffic enforcer na si Mc Adrian Lim (center) nitong Sabado. Vonne Aquino

 

Nang mapanood daw niya ang video ay naawa raw siya kay Lim.

Tiniyak naman ni Yorme na tuloy ang paghahain ng kaso kay Dizon at makakatanggap ng reward si Lim.

Nanawagan naman si Mayor sa Land Transportation Office na bawian si Dizon ng lisensyang makapagmaneho.

Pinasalamatan din ni Yorme ang mga pulis na tumulong para mahuli ang suspek.

Kuwento ni Lim, sinita niya ang driver na si Dizon dahil sa violation nito na disregarding lane marking pero pinatakbo pa rin nito ang sasakyan para tumakas.

Kumapit daw ang biktima sa sasakyan para hindi siya mabundol nito.

Nang huminto raw ang driver, tinangka raw ng biktima na kunin ang susi nito pero sinapak siya ng driver kaya’t bumitaw na siya.

Nagtamo ang enforcer ng sugat sa braso at bugbog sa kaliwang tagiliran pero hindi naman daw siya kailangang i-confine sa ospital.

Nagpasalamat naman siya sa suporta ng kaniyang mga boss lalo na ni Mayor. —KG, GMA News