Nasabat ng mga tauhan ng Galas Police Station nitong Lunes ang 250 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P1.7 milyon ang halaga.

Arestado ang tatlong suspek na kinilalang sina Zainodin Encio, Emilyn Luna at Marc Mercado.

Ikinasa ang buy-bust operation sa isang condominium unit sa Barangay Santo Cristo, Quezon City bandang alas-tres ng madaling araw.

Target daw ng operasyon si Encio.

"Meron kasi kaming informant na pumunta rito. Nagbigay ng info. Tapos nag-validate kami ng info. Tapos nagkasa na kami ng buy-bust operation," sabi ni Police Major Bernardo Pascua, officer-in-charge ng Galas Police Station.

 

 

Sabi pa ni Pascua, lumalabas na hindi raw alam ng management na may ilegal na nangyayari sa naturang unit.

"Kasi 'yung mga condo unit, mahirap ma-trace talaga 'yun e. Puwede sila makipag-transact sa loob ng unit nila. Mahirap mahagilap, mahirap ma-penetrate," dagdag ni Pascua.

Itinanggi naman ng lahat ng suspek ang mga paratang laban sa kanila.

Ayon kay Encio, wala siyang alam at nagbabantay lamang siya sa unit.

Aminado siyang kalalaya lang niya noong nakaraang taon dahil din sa kaso na may kinalaman sa ilegal na droga.

Sabi naman ng emosyonal na si Luna, dinampot lang daw siya ng mga pulis sa ibang lugar.

"Bumili lang po ako ng itlog kasama ko po 'yung alaga ko e. Dinampot lang po ako e," sabi ni Luna.

Emosyonal din si Mercado. Sabi pa ng mga pulis, naabutan siyang bibili ng droga.

"Hindi po ako bumibili. Hindi ko po kilala 'yung sa condo unit na 'yun. Meron lang pong lalaking naka-jacket na CIDG (Criminal Investigation and Detection Group), sabi po tinatawag ako. Tapos pagpasok ko, bigla na lang akong inano po," sabi pa ni Mercado.

Pinabulaanan naman ng pulisya ang pahayag ng mga suspek. Karaniwang alibi na lang daw ito ng mga nahuhulihan ng droga.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. 

Mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek. —KG, GMA News