Dalawang Koreano na nagbabakasyon sa Pilipinas ang natangayan ng mahigit P100,000 cash at iba pang gamit nang harangin ng mga armadong lalaki ang sinasakyan nilang TNVS car sa ibabaw ng Buendia flyover kaninang madaling araw. Sa kabila ng kanilang karanasan, babalik pa rin daw sa bansa ang mga biktima.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa "Quick Response Team" nitong Huwebes, sinabing sakay ng kotse ang mga salarin. Nang maharang nila ang sinasakyan ng mga biktima, binasag nila ang mga bintana ng TNVS.

"Pagdating po dito sa may flyover ng Buendia, bigla pong may bumlock (block) na Vios na kulay blue. Tapos may bumaba na dalawang may dalang mga martilyo, pinagbabasag po iyong magkabilang salamin para makapasok sila. Tapos ang sinasabi, bumaba ka, kung hindi puputukan kita. Eh 'di bumaba ako," sabi ni Renato Adviento, Grab driver.

"Tapos narinig ko na nagwawarning shot... Ang iniisip ko talaga parang katapusan ko na," kuwento pa ni Adviento.

Puwersahan umanong kinuha ng mga salarin ang bag ng isa sa mga Koreano na mayroong higit P100,000.00.

"He say he wants money only," ayon sa biktimang si Jo Kyeoung Won.

Hindi namukhaan ng TNVS driver ang mga suspek kahit pa walang takip ang mga mukha nito dahil madilim ang lugar at hindi gumagana ang mga street light.

"Siguro doon pa lang sa City of Dreams, sinubaybayan na kami doon. Dito lang sila nagkaroon ng pagkakataon," sabi pa ni Adviento.

Sa panayam ng "QRT," sinabi ni Police Lieutenant Allan Valdez, investigation unit chief ng Pasay police, bukod sa pera ay kinuha rin ng mga suspek ang mga pasaporte at credit card ng mga Koreano.

Hinala pa ni Valdez, maaaring nasa casino ang nag-tip sa mga suspek kung sino ang kanilang bibiktimahin.

Mayroon na rin umanong katulad na insidenteng nangyari sa kanilang nasasakupan kaya aalamin nila kung kasangkot dito ang "person of interest" nila sa nakaraang kaso.

Napag-alaman naman na tatlong buwan nang nananatili sa Pilipinas ang mga biktima para magbakasyon.

Sa kabila ng kanilang naranasan, babalik pa rin daw sila sa Pilipinas.

"I'm scared now. But I like the Philippines... I will come back," ayon kay Won.-- FRJ, GMA News