Pinaghahanap ang isang Grab rider na nakadisgrasya sa isang anim na taong gulang na bata nitong nakaraang Linggo.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras”, na-hulicam na tinakbuhan ng rider ang bata imbes na tulungan.

Na-ospital ng tatlong araw ang anim na taong gulang na si Celine Rhille, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakapasok sa eskwelahan.

“Ini-inda niya po yung sa bukol at sugat, hindi siya nakakalakad... Sana po nung nabangga niya, itinayo man lamang ho,” sabi ng ina ng biktima.

Nangyari ang hit-and-run incident alas-3 ng hapon noong November 17 sa kahabaan ng Leveriza Street sa Malate, Maynila.

Tinuntunton na ng mga awtoridad, ang nakasagasang motorsiklo.

“Ang akin lang dun sa grab driver, may anak ka naman siguro, sana tiningnan mo yung bata... kawawa naman yung mga bata,” sabi ni Barangay 719 Zone 78 chairman Jaime Adriano.

Ayon sa tagapagsalita ng Grab Philippines, hindi muna sila magbibigay ng kumento hangga't hindi pa nila nakukuha ang pormal na report at complaint mula sa mga awtoridad.

Gayunman pinayuhan nila ang magulang ng biktima na makipag-ugnayan sa Grab para ma-imbestigahan ang insidente. —NB, GMA News