Ipinasilip ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang magiging bagong hitsura ng ilang barya o coins. Kabilang dito ang P20, at ang madalas na ireklamong P5, na napagkakamalan daw na P1.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing mula ang P5 barya na karaniwang bilog, babaguhin na ang hugis at magkakaroon na ng siyam na gilid o "nonagon."

"Yung P5 coin, so enchanced and tawag namin diyan, binago namin ang kaniyang hugis para distinct siya at makilala siya ng publiko, hindi nakakalito," paliwanag ni Engr. Dahlia Luna, Sr. Asst. Governor, Security Plant Complex, BSP.

Madalas na inirereklamo ng ilang Pinoy, lalo na ang mga gumagamit ng barya na panukli ang halos pagkakatulad ng P1 at  P5.

Madadagdag naman sa listahan ng mga barya ang P20 na dating papel, at madalas na gamiting pang-aginaldo sa Pasko.

Magiging two-tone daw ang P20 na barya na kulay bronze at silver. Makikita pa rin dito ang mukha ni Pangulong Manuel L Quezon.

Paliwanag ng opisyal, ang P20 ang pinakagamit na perang papel kaya  pinakamadali rin itong masira.

"Kung papalitan ng coin, dahil made of metal, so mas mahaba ang life niya. Kahit gamitin sa palengke, hindi madaling masira," ani Luna.

Ilulunsad daw daw ang mga enhanced features ng bank notes sa taong 2020.

Dahil magpapasko, nag-iimprenta na rin daw ng mga bago at malulutong na perang papel ang BSP.  Pinaka-in demand daw ang P1,000, P100 at P20 dahil ginagamit na pang-aginaldo.-- FRJ, GMA News