Na-hulicam ang panlalaban ng isang babaeng Grade 10 student sa riding-in-tandem na nanghablot ng kanyang cellphone, dahilan upang maaresto ang isa sa mga suspek, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa video, makikitang lakas-loob na hinabol ng 16-taong-gulang na estudyante ang lalaking humablot ng kanyang cellphone. Inabutan niya ang lalaki pagsakay nito sa nakaabang na motorsiklo.

Nakahawak ang biktima sa damit at pagkahila ay bumagsak sa kalsada ang riding-in-tandem. Bagama't nakabangon at nakatakbo pa, hinabol pa rin sila ng biktima hanggang mahawakan niya ulit ang mga ito at napatumba na naman sa kalsada.

Dito na iniwan ng rider ang kanyang angkas sabay takas. Kinuyog naman ng taumbayan ang naiwang suspek.

Basag ang mukha at paika-ika nang dalhin sa barangay hall ang nakuyog na si Armando Bautista na umamin sa krimen. Aniya, inutusan lang daw siya ng kanyang kasama

Nabawi ang hinablot na cellphone pero basag na at hindi na mapagana.

Tinutugis na ang nakatakas na suspek. —KBK, GMA News