Huli sa aktong gumagamit ng shabu ang isang vendor sa España, Maynila, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Balitanghali nitong Lunes.

Tanghaling tapat nitong Linggo nang puntahan ni Kagawad Ferdinand Comitan ang bangketang ito sa tabi ng España Avenue sa Maynila matapos makatanggap ng sumbong na may gumagamit ng shabu na nakatalukbong ng kumot.

Nang makita, nilapitan niya ito at tinaggal ang kumot at isa pang banig na nakatakip.

Sinubukang posasan ni kagawad ang nakita niyang lalaki pero nagpumiglas na ito.

Isang street sweeper ang sumaklolo kay kagawad pero nahirapan pa rin silang posasan ang umano'y drug user hanggang maitulak si kagawad sa halamanan.

Maya-maya may tumulong nang isang estudyante at tanod.

Dito na naposasan ang lalaki at dinala sa presinto. Kinilala siyang si RJ Villamil na isang vendor ng tubig sa España.

Nakuhanan siya ng mga drug paraphernalia at isang sachet ng hinihinalang shabu na nabili raw niya ng P100. —KBK, GMA News