Maraming pasahero ang maagang na-stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 matapos makansela ang kanilang flight.

Nagtataka ang ilan kung bakit nadamay sa kanselasyon ang kanilang 4 a.m. flight gayong 11 a.m. pa naman daw ang abiso na isasara ang NAIA dahil sa inaasahang epekto ng Bagyong Tisoy.

Ang mga stranded na pasahero, kanya-kanya nang hanap ng puwesto sa sahig sa Gate 6 ng T3. May mga humiga pa at natulog. Ang ilan sa kanila ayaw gumastos sa hotel habang ang iba ayaw nang bumalik sa bahay dahil doble gastos pa raw sa pasahe lalot may dala silang mga bagahe

Ayon sa ibang apektadong pasahero, wala man lang daw nag-abiso sa kanila mula sa airlines kaya no choice sila ngayon kundi matulog sa NAIA kesa raw gumastos pa pauwi sa Quezon City. Mabagal din daw ang pag-asikaso sa kanila ng airlines.

Sabi ng ilang pasahero, binigyan naman daw sila ng kanilang mga airlines ng ibang petsa ng kanilang biyahe.

As of 4 a.m., 467 na ang kanseladong international at domestic flights sa NAIA. Isasara kasi ang lahat ng terminal ng paliparan mula 11 a.m. hanggang 11 p.m. bilang safety measure sa epekto ng Bagyong Tisoy.

Ayon sa airport police, hindi nila pagbabawalan ang mga pasaherong papasok sa NAIA kahit pa isara na ito, Pero nakikiusap ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga pasaherong may cancelled flights na huwag nang pumunta sa NAIA.

Ayon sa (MIAA), oras na buksan muli ang NAIA, prayoridad na paliparin ang mga may scheduled flight sa oras na iyon. —KBK, GMA News