Naggitgitan, nagsigawan, hanggang sa magkabanggaan. Ganito ang nangyari sa isang van at isang SUV na nahuli-cam ng GMA News sa Maynila. But wait, may tsuper ng jeep na humabol pa eksena.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Taft Avenue kaninang 2:00 p.m.

Sa video, makikitang dinuduro ng driver ng van ang katabi at nakatigil na SUV.

Nang umarangkada ang SUV,  humarurot din ang van hanggang sa magkasagian na ang dalawang sasakyan at muling naghabulan.

Natigil lang daw ang gitgitan ng dalawa sa bahagi ng Rizal Park  nang sitahin sila ng tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau.

Giit ng driver ng SUV, pinauna niya ang van pero galit na galit pa rin ito at binangga siya.

Pero galit na depensa naman ng driver ng van, siya ang kinat [cut] ng SUV.

Pero sa gitna nang pagtatalo ng dalawa, pumasok sa eksena ang isang tsuper ng jeep at galit na idiniin ang driver ng van dahil siya man daw ay ginitgit nito sa bahagi naman ng Espanya sa Maynila rin.

Sinubukang ng GMA News na kunin ang pahayag ang driver ng van
pero tumanggi siya.

Parehong nagtamo ng sira ang van at suv, at dinala ang mga driver sa tanggapan ng traffic bureau para imbestigahan.

Paalala naman ng traffic enforcer ng Maynila sa mga motorista, huwag pairalin ang init ng ulo sa kalsada.--FRJ, GMA News