Umani ng paghanga ang isang Pinoy surfer na lumalaban sa Men's Longboard event sa La Union para sa SEA Games nang itigil niya ang paglalaro para sagipin ang kalabang Indonesian.

Sa post sa Facebook page ng 2019 Southeast Asian Games, ikinuwento ni Jefferson Ganuelas na naglalaban para sa gold medal ang Pinoy surfer na si Roger Casugay at Indonesian surfer na si Arip Nurhidayat sa Monalisa Pt., San Juan, La Union nitong Biyernes.

"In the midst of the men’s longboard open competition for surfing, Indonesia’s Arip Nurhidayat broke his leash and was swept away by the waves," saad sa post.

Makikita sa larawan ang tanggulian ng dalawa sa harap ng malalaking alon.

Pero kapansin-pansin na sa isang larawan ay magkasama na sina Casugay at Nurhidayat sa iisang surfboard.

Ito na umano ang pagkakataon na sinagip ng Pinoy ang Indonesian.

Sa ulat ng GMA News "Saksi," sinabing sinubukan ng rescue team na sagipin si Nurhidayat pero hindi nila kinaya ang alon.

Dahil nandoon na si Casugay, itinigil na niya ang pag-surf para unahing sagipin ang kakompetisyon.

Nakabalik ang dalawa sa baybayin habang parehong nakatayo sa iisang surfboard.

WATCH: Roger and Lisa love story: Ang pag-ibig na walang pinipiling kulay at lahi

Minsan nang naitampok si Casugay sa Kapuso Mo, Jessica Soho" dahil sa nakakikilig na love story nila ng nobyang Dutch national na si Lisa. --FRJ, GMA News