Tinatayang anim na kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P4.8 million ang nasabat sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Parañaque City nitong Biyernes ng gabi.

Arestado ang tatlong suspek sa buy-bust operation ng PDEA-National Capital Region Eastern District Office sa isang condominium sa Barangay Moonwalk, Parañaque City dakong 8:30 ng gabi.

Ayon sa PDEA, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang confidential informant na may nagaganap na bentahan ng droga sa lugar.

Nagtataka raw ang mga residente ng condominium dahil iba’t ibang sasakyan ang pumapasok sa lugar at iba’t ibang mga tao ang labas-pasok sa unit ng mga suspek.

Isang kilo ng shabu ang binili raw nila sa mga suspek sa halagang P800,000.

Tatlong suspek sa loob daw ng unit ang nakipagtransaksiyon.

Nang makalabas na ang poseur buyer na pulis sa unit, dito na sinalakay ng PDEA ang loob at inaresto ang mga suspek.

Pake-pakete pa ng hinihinalang shabu ang kanilang nakumpiska na ayon sa PDEA ay higit kumulang anim na kilo at may estimated street value na P40.8 million.

 

Nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency nitong Biyernes, Disyembre 6, 2019, sa isang buy-bust operation sa Parañaque City ang tinatayang anim na kilo ng hinihinalang shabu na may street value na P40.8 million. Vonne Aquino

 

Kinilala ang mga suspek na sina Hamodine Ibrahim at ang mag-pinsan na sina Datunot Magelna at Eric Musa.

Ayon kay Magelna, napag-utusan lang sila na mag-distribute ng droga pero hindi raw nila kilala ang nag-utos sa kanila.

Itinanggi pa ng dalawang suspek na may kinalaman sila sa pagbebenta ng droga.

Ayon sa PDEA, limang buwan pa lang naninirahan sa nasabing unit ang tatlong suspek.

Area of operation daw ng mga suspek ang buong southern Metro Manila.

Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Iimbestigahan daw ng PDEA ang koneksiyon ng tatlo sa mga nahuling drug suspek ng Philippine National Police na sina Joel at Merwin Bustamante, na inaresto sa buy-bust operation sa Las Piñas, at Chinese na si Liu Chao na inaresto naman sa Makati City—KG, GMA News