Patay ang isang lalaki matapos holdapin at barilin sa ulo ng apat na suspek na riding in tandem sa motorsiklo sa Quezon City nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Marcus Christian Ong, 36, na may dalawang tama ng baril sa ulo.

 

Natagpuang patay ang lalaking nakilalang si Marcus Christian Ong nitong Sabado ng gabi, Disyembre 7, 2019, sa Scout Reyes corner Panay Avenue, Quezon City. Biktima ng panghoholdap si Ong. Jonathan Andal

 

Sugatan naman ang fiancée nito na si Kristy Cardenas, 23, na isinugod agad sa ospital matapos magtamo ng tatlong gunshot wounds.

Batay sa kuha ng CCTV ng Barangay Paligsahan, makikita ang magkasintahan na pumasok sa isang Vietnamese restaurant.

Kasabay nito ang pagdating ng apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo.

Pumarada sila sa gilid ng kanto.

Paglabas ng magkasintahan, kita ang angkas ng isang motor na bumaba at tila may binunot sa tagiliran.

Saglit na nawala sa frame ng CCTV ang mga suspek at biktima, hanggang mahagip uli ng camera na nag-aagawan na sa isang bag ang dalawang lalaking naka-helmet at ang magkasintahan.

Maya-maya, bumulagta na ang lalaki at natumba na rin ang babaeng kasama nito.

Makikitang itinataas ng babae ang kanyang kamay na tila humihingi ng saklolo.

Sunod na nakunan ng CCTV ang mga suspek na riding in tandem na tumakas papunta sa direksyon ng Scout Chuatoco tangay ang ninakaw na bag.

Ayon sa nakausap na testigo ng pulisya na tumangging humarap sa camera, apat hanggang limang putok ng baril ang narinig niya.

May na-recover na apat na basyo ng 9-mm na baril sa crime scene pati na ang pares ng tsinelas ng lalaki.

Inaalam pa kung pagnanakaw lang ang motibo sa krimen. —KG, GMA News