Nagtungo si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa Makati Medical Center nitong Lunes para umano sa scheduled checkup at hindi para sumailalim sa operasyon, ayon sa kaniyang tapagsalita.

Sa isang pahayag, pinabulaanan ni Atty. Abigail Valte ang ilang ulat na sasailalim sa operasyon sa puso ang dating pangulo.

"Former President Noynoy Aquino is at the Makati Medical Center for a scheduled check up and a routine procedure," ani Valte. "He's alright and in high spirits, and thanks everyone for their concern."

Nagbiro pa raw ang 59-anyos na si Aquino tungkol sa love life nito nang makausap ni Valte.

"While he is currently under observation, I was able to speak to him and apprise him of what is being reported in media. Nagbiro pa na baka daw kaya heart procedure ang balita kasi heartbroken siya," ayon kay Valte.

Nitong nakaraang Agosto, sinabi ng kapatid ni Noynoy na si Kris Aquino, na hindi nakadalo sa death anniversary ng kanilang amang si dating "Ninoy" Aquino Jr., ang dating pangulo dahil may iniinda itong karamdaman.

Kinalaunan, nilinaw ng dating pangulo na mayroon lang siyang trangkaso. —FRJ, GMA News