Patay ang isang lalaki, habang sugatan naman at kailangan operasyon ang kaniyang fiancé matapos silang pagbabarilin ng mga holdaper sa Quezon City.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang nasawing biktima na si Marcus Christian Ong, na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo.

May tatlo tama naman ng bala sa katawan ang kaniyang fiancee na si Kristy Cardenas, na kailangang sumailalim sa operasyon.

Sa kuha ng CCTV dakong 10:00 pm nitong Linggo, makikita ang dalawang biktima na naglalakad sa bangketa sa kanto ng Panay avenue at Scout Reyes.

Lingid sa kaalaman nila, sinusubaybayan na sila ng mga salarin na sakay ng dalawang motorsiklo.

Hindi nagtagal, bumaba ang dalawang salarin at inagaw ang bag ng magkasintahan na hindi naman basta ibinigay ng mga biktima.

Kasunod nito ang pagputok na baril at pagtumba ng mga biktima.

Kaagad na tumakas ang mga salarin patungo sa diresyon ng Scout Chuatoco tangay ang ninakaw na bag.

Nagawa naman ng babae na makahingi ng saklolo kaya nadala siya sa ospital pero sinawang-palad na ang kaniyang nobyo sa tinamong tama ng bala sa ulo.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at inaalam kung pagnanakaw lang ba ang motibo ng mga salarin.--FRJ, GMA News