Na-hulicam ang mala-Spider-Man na akyat-bahay sa Sampaloc, Maynila kung saan natangay ang mahigit P100,000 pera at iba pang mahahalagang bagay.

Naganap ang panloloob sa Brgy. 518 bandang 5 a.m. nitong Linggo, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.

Walang kahina-hinalang nakukunan na siya ng CCTV, nag-ala-Spider-Man ang suspek na gumagapang sa pader. Sa isa pang anggulo ng CCTV, kita ang pagtalon niya sa bangketa. Saglit siyang yumuko at tila nagtago bago lumakad palayo.

Dalawang tao ang nakapansin sa kanyang pagtakas.

Sunod siyang nakunang papunta sa kanto ng Maceda pero iba na ang suot niyang damit. Sumakay siya ng tricycle.

Tagumpay na nakatakas ang suspek bitbit ang isang bag na may lamang cellphone, wallet na may mga ID, ATM card at P25,000 na cash.

Natangay din ang isang maliit bag na may lamang cash na P110,000 na pera sa paluwagan ng babaeng biktima.

Puwersahan daw binuksan ng suspek ang sliding window ng apartment at lumabas sa terrace.

Nitong Lunes, nahuli sa follow-up operation sa Blumentrit ang 20-gulang na suspek na si Roel Galicia. Umamin siya sa pagnanakaw, pero ang mga ninakaw niyang gamit wala na raw sa kanya.

Nakuhanan din siya ng P8,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Inamin ng suspek na pinambili niya ng droga ang bahagi ng ninakaw niyang pera. Mahaharap siya sa reklamong robbery at possession of illiegal drugs. —KBK, GMA News