Pinayuhan ni Senador Cynthia Villar ang publiko na maghanap ng ibang pamalit sa galunggong ngayong mahal ang presyo nito sa merkado. Giit niya, lalong tataas ang presyo nito kapag marami pa rin ang naghahanap.

“Ako naman, eh kung mahal ang galunggong. Eh, 'di 'wag kumain ng galunggong, di ba? There are other alternatives na puwedeng gawin. Bakit ba gustong-gusto niyo ‘yung galunggong kung mahal ang galunggong,” saad ng senador sa mga mamamahayag nitong Martes.

Nitong nakalipas na mga linggo, tumaas umano sa P300 ang kilo ng galunggong mula sa dating P150 ang bawat kilo. Halos kapresyo na umano ngayon ng naturang isda ang karne ng baka.

“Eh lalong na-e-encourage ‘yung price increase. Bakit 'di kayo kumain ng gulay? mas healthy ‘yon. In fact, 'di ba bumaba ang ating rating, ating mga students. One of the theory doon ay malnutrition,” sabi pa ng senadora.

Mayroong farm school ang mga Villar na naghihikayat sa publiko na magtanim ng kanilang kakainin.

“Magtanim ka ng gulay sa likod ng iyong bahay, mag-backyard farming, or urban gardening,” payo pa niya.

Kasabay nito, hinikayat ni Villar ang Department of Trade and Industry na masusing subaybayan ang presyo ng mga bilihin.

“Lahat ng trader kung may opportunity i-increase ang price niya kahit walang basis. Kaya dapat mahigpit ang ating regulatory body that they keep within the suggested retail price. Yes, the DTI,” ayon sa mambabatas.

Inihayag din ni Villar na may humihingi sa kaniya ng tulong para makakuha ng permit upang makapag-angkat ng galunggong.

“‘Yang galunggong na ‘yan masyadong kontrobersyal. Gustong-gusto nila mag-import, may naglalakad pa sa akin na bigyan daw sila ng import permit sa galunggong," ani Villar.

Pero tinanggihan daw niya ang inilalapit sa kaniyang pakiusap dahil tutol siya sa pag-angkat ng isda.

“Noong Friday. Akala nila malakas ako, hindi naman ako naglalakad ng ganon. Against nga tayo doon. Gusto natin self sufficient tayo and we should try to produce more para wala nang problema,” paliwanag niya.

“So dapat tayo sa Pilipinas matuto tayo to produce on our own kasi wala na tayong aasahang import so dapat maging self sufficient tayo. We don’t have to rely on others for food,” dagdag niya. —FRJ, GMA News