Tila magtatanda na ang isang asong lakwatsero matapos siyang makatanggap ng sermon sa isang lola.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita na nakatikim ang aso na si Bagani ng old school na sermon ng lola.

Tila tao naman na nakinig ang aso habang nakaupo sa isang silya.

Sa isa pang punto mistulang nagpapasaklolo pa si Bagani sa kumukuha ng video.

Napagsabihan si Bagani dahil gala umano ito nang gala at nang-iisnab pa kapag tinatawag.

Sinabi naman ng uploader na hindi nila magagawang pagalitan si Bagani pero hiling nila na sana magtanda na ito at maging disiplinado matapos mapagalitan ni lola. — Jamil Santos/DVM, GMA News