Kulungan ang bagsak ng dating child actor na si Jiro Manio matapos niyang saksakin umano ang isang lalaking nakasamaan niya ng tingin sa Marikina City.

Depensa naman ni Manio, hinampas siya ng helmet ng biktima.

Nangyari ang insidente sa Barangay San Roque pasado alas siyete nitong Biyernes, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA News TV "Balitanghali Weekend."

Isinalaysay ni Marikina City Police Officer for the Day Police Captain Ricardo Mendoza ang kuwento ng biktimang si Zeus Doctolero.

"Habang naglalakad sila, ayon sa kaniya..., nakasalubong niya itong si Jiro then parang nagkatinginan sila. Sunod, sinugod siya, inatake kaagad siya ni Jiro sa 'di malamang dahilan," sabi ni Mendoza.

Nauwi sa suntukan ang tinginan nina Manio at ng biktima, saka biglang bumunot umano si Manio ng patalim at pinagsasaksak si Doctolero.

Sa gitna ng kanilang suntukan, nawala ang handle dahil nakuha ni Doctolero ang kutsilyo.

Galing umano ang kutsilyo sa karinderya na pinagtatrabahuhan ni Manio.

Sinabi ni Doctolero sa pulisya na magkakilala na sila dati pa ni Manio.

Itinanggi naman ito ni Manio.

Ayon naman sa salaysay ni Manio, naglalakad siya pauwi nang makita si Doctolero.

Nagkatinginan aniya sila pero nagulat siya nang bigla siyang hampasin ni Doctolero ng dala nitong helmet.

Ito umano ang naging ugat ng kanilang suntukan saka niya inilabas ang kaniyang kutsilyo.

Ayon pa kay Manio, hindi niya alam kung bakit siya hinampas ng helmet ng biktima.

Isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center si Doctolero matapos masaksak ng tatlong beses ni Manio, dalawa sa balikat at isa sa ulo.

Hindi na-confine si Doctolero at nakauwi na rin.

"Fa-file-an natin siya ng frustrated homicide sa Marikina City Prosecutor," sabi ni Mendoza tungkol sa kaso ni Manio. —Jamil Santos/LBG, GMA News