Nasabat ng pulisya sa Pasay City nitong Sabado ng gabi ang 10 kilo ng hinihinalang shabu na itinago sa mga pakete ng tsaa at may tinatayang halagang P68 milyon.

Nakuha ito sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Philippine National Police - Drug Enforcement Group (PDEG), Pasay City Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency - National Capital Region sa isang bus station sa Malibay, Pasay City pasado alas-sais ng gabi.

Inaresto ng mga pulis ang dalawang suspek na nakilalang sina Mia Bianca Churez, 22, at Dave Realin, 21, matapos silang makitaan umano ng hinihinalang shabu.

Ayon sa pulisya, nasa kustodiya na ng PDEG ang dalawang suspek at inihahanda na ang mga kasong ihahain laban sa kanila. —KG, GMA News