Patuloy ang pagdagsa ng mga tulong na dumarating para sa mga naging biktima ng pagputok ng Taal volcano sa Batangas. Ang GMA Kapuso Foundation at mga kabalikat na mga donor, patuloy din sa pagbibigay ng ayuda sa mga evacuee.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing dumagsa sa South Luzon Expressway (SLEX) ang mga pribadong sasakyan at military trucks na may dalang mga relief goods na nagdulot ng pagbagal ng dalay ng trapiko nitong Sabado.

Ayon kay Skyway at Slex President and COO Manuel Bonoan, bukod sa dami ng mga sasakyan, nakadagdag din umano sa pagbigat ng daloy ng trapiko ang pakikipagtalo ng ilang motorista sa mga toll teller patungkol sa toll.

Base raw ito sa isang kumalat umanong fake news, libre daw sa toll ang mga sasakyan basta nakalagay na magbibigay ng relief goods sa mga lugar na apektado ng bulkang Taal.

Pero nilinaw ni Bonoan na may prosesong kailangang pagdaanan ang mga sasakyan na gustong mag-request ng libreng toll sa Slex para mag-deliver ng relief goods.

Kailangang daw magpadala ng formal request sa pamunuan ng Slex/Skyway, at isama sa request kung ano at ilan ang mga sasakyan at kailan planong bumiyahe.

Sa Tagaytay city, sinimulan ng lungsod ang cash for work program para raw hindi lang daw umasa sa mga ayuda ang mga evacuee. Kapalit ng P400 hanggang P500 kada araw, nagbibigay ng serbisyo ang mga evacuee.

Ang ilan sa kanila ay naglilinis ng paaralan, mga pasyalan at iba pang pasilidad. May mga naglalaba rin at nagluluto para sa kapwa nila evacuee.

May iba naman na sa ibang paraan idinaan ang pagtulong sa mga evacuee tulad sa Tanauan city na may nagpadala ng 20 washing machines para hindi mahirapang maglaba ang mga evacuee.

School supplies naman ang regalo ng ilang volunteer sa mga bata sa San Pablo, Laguna para patuloy silang makapag-aral kahit hindi pa muna nakakapasok sa paaralan.

Nais naman ng isang grupo sa Maynila na magkaroon ng sapat na inuming tubig ang mga evacuee kaya nagdala sila ng mga libreng galon ng tubig sa mga evacuee sa Talisay, Agoncillo, at Lemery sa Batangas, at balak din nilang hatiran ng tubig ang mga taga-cavite.

Ang ilang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines,  bukod sa pagtulong sa pag-pack ng relief goods, nakalikom din sila ng pondong ido-donate nila sa evacuees.

Ang mga estudyante ng Pamantasang ng Cabuyao, nagtulong-tulong naman para magbuhat ng mga relief goods at magpakain sa mga nasa evacuation center.

Ang mga taga-Romblon, nakalikom din ng relief goods gaya ng damit, pagkain, gamot, tubig, kumot at banig na ipapadala sa Batangas.

Magpapadala naman ng donasyon gaya ng mahigit 1,000 n95 face mask, toiletries, mga pagkain at mga damit ng mga ofw sa United Arab Emirates.

Samantala, patuloy naman ang Operation Bayanihan ng GMA Kapuso Foundation, sa tulong na rin ng mga donor at mga nais tumulong pa sa mga evacuee.

Nitong weekend, kasama ang ilang Kapuso star, hinandugan ng relief goods, hygiene kits, face mask at tsinelas ang mga evacuees.

Si Vaness del Moral, humanga sa katatagan ng mga nasalanta na patuloy na ngumingiti sa kabila ng pagsubok na kanilang pinagdadaanan.

Sa mga nais pang magpaabot ng tulong, maaaring magdeposito sa mga bank account o magsadya sa tanggapan ng GMA Kapuso Foundation.  Maaari ding
bisitahin ang website para sa mga online donation. --FRJ, GMA News